4 arestado sa drug bust

QUEZON, Philippines – Apat-katao na sinasabing notoryus drug peddler ang naaresto sa isinagawang drug bust operation ng pulisya sa ibat-ibang barangay sa Lucena City, Quezon kamakalawa. Ayon kay P/Supt. Joel de Mesa, unang naaresto ang magka-live-in na sina Elias Amador Jr. at Len Yara. Nasamsam sa magka-live-in ang 1.2 gramo ng shabu sa Barangay Gulang-gulang. Aabot sa 5 gramo ng shabu na may street value na P59,000 naman ang nasamsam sa suspek na si Rheysol Paderon ng Sariaya, Quezon sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Ibabang Iyam. Hindi naman nakaporma si Renato Maranan nang masakote sa drug bust operation dakong alas-2:10 ng madaling araw sa Barangay 4 kung saan narekober ang shabu na nagkakahalaga ng P17,000. Nakatakdang kasuhan ang mga suspek habang nakakulong.

Show comments