Misis kinatay ni mister bago nagpatiwakal

Misis kinatay ni mister bago nagpatiwakal

NUEVA ECIJA, Philippines – Humantong sa malagim na katapusan ang away ng isang mag-asawa makaraang mapatay sa saksak ni mister ang kanyang 59-anyos na misis at saka nagpakamatay ang huli sa kanilang bahay sa Purok 3A, Barangay Burgos, Sto. Domingo, nasabing lalawigan noong Huwebes.

Idineklarang dead-on-arrival sa Sto. Domingo District Hospital ang biktimang si Feliciana Salazar, habang patay na rin nang matagpuan ang mister nito na si Gerino Salazar, kapwa 59-anyos.

Sa imbestigasyon, bandang alas-3 ng hapon habang naglilinis ang isang Grace Lyn Valdez, 33, may-asawa, nakatira rin sa bahay ng mga biktima nang makarinig ng sigaw na “Aray” mula sa terrace ng bahay ng mag-asawa.

Dahil dito, agad niyang tinawag ang anak ng mag-asawa na si Gina, 27, may-asawa ng upang tingnan ang nangyayari sa kanyang magulang. Dito bumungad sa kanya ang inang duguan na nakaupo sa gilid ng pinto ng kanilang kuwarto habang ang ama ay nakatayo at armado ng kitchen knife.

Mabilis na humingi ng tulong si Gina sa mga kapitbahay at dinala ang biktima sa pagamutan subalit idineklarang patay ng mga manggagamot. Pagkalipas ng ilang minuto, dito na umano sinaksak ni Gerino ang sarili hanggang sa malagutan ng hininga.

Ayon sa kaanak ng mga Salazar,  madalas umanong magtalo ang mag-asawa dahil sa palaging pag-inom ng alak ni Gerino. Bago ang insidente, limang araw umanong hindi uminom ng alak si Gerino at laging nagsasabi ng pamamaalam sa kanyang mga anak, na hindi sineseryoso ni Gina at mga kapatid.

Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operation (SOCO) ang dalawang duguang patalim sa crime scene.

Show comments