MANILA, Philippines – Kalaboso ang dalawang Romanian na sinasabing miyembro ng notoryus na cyber crime syndicate na sangkot sa pagnanakaw sa automated teller machine (ATM) ang nasakote ng pulisya sa isinagawang operasyon sa Barangay Tipolo, Mandaue City sa Cebu noong Sabado ng gabi.
Sa police report na isinumite sa Camp Crame, isinailalim sa isang buwang intelligence build-up at surveillance operation ang mga suspek na sina Petru Loan Uveges, 43; at Stefania Mihaela Osman, 36.
Naaktuhan ang mga suspek habang nagwi-withdraw ng pera sa ATM gamit ang mga cards na illegal na napasakamay ng mga ito.
Nasamsam sa mga suspek ang P52,000 at 67 British export cards, MetroBank Master card na nakapangalan kay Uveges, UniCredit Tiriac Bank at tatlong Security Bank ATM cards.
Samantala, narekober din ang tig-P10,000 slip sa transaksyon sa Metro Rewards card na nakapangalan naman kay Osman, Rustan’s card na nakapangalan kay Mihaela Paroan, Romanian drivers license na nasa pangalan din ni Osman, driver’s license, kulay puting Toyota Innova, mobile phones at iba pa.
Ayon pa sa pulisya, ang mga suspek ay miyembro ng Romanian Cyber Crime syndicate na may modus operandi sa Cebu.
Naunang nasakote ang isa pang miyembro ng sindikato na si Gheoghe Adelin Stretsu noong Setyembre 2015.