Truck bumaliktad: 9 kritikal

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Siyam na kawani ng munisipyo ang malubhang nasugatan matapos bumaliktad ang kanilang dump truck sa bulubunduking highway sa Barangay Debibi, bayan ng Cabarroguis, Quirino kamakalawa. Kinilala ni P/Chief Insp. Godofredo Wasin, hepe ng Cabarroguis PNP ang mga biktimang sina Benjamin Gacusan, George Manzano, Rolando Gamay, Diosdado Pascual, John Lasting, Jessie Baquilar, Ferdinand Mendoza, Joey Marcos at si Danilo Ramos.? Ayon kay Wasin, ang mga biktima ay kawani ng munisipyo ng Diffun na naghakot ng mga binhi mula sa nursery sa Barangay Didipio, Kasibu upang itanim sa inilunsad na tree planting activities sa kanilang lugar. Nabatid na nawalan ng kontrol ang driver ng truck na si Joel Ramos matapos pumalya ang preno nito sa pagbulusok na kurbadang highway kaya naganap ang sakuna. Sumuko sa pulisya ang driver ng truck na pag-aari ng pamahalaang bayan ng Diffun.

Show comments