BATANGAS, Philippines – Dalawa-katao ang namatay matapos masagasaan ng pampasaherong bus sa kahabaan ng Daang Maharlika Highway sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas noong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktima na sina Resbel Sarmiento, 28, production operator, ng Barangay San Rafael, Sto. Tomas, Batangas at Joffer Placido, 34, ng San Ildefonso, Bulacan.
Sa police report na isinumite kay Batangas PNP director P/Senior Supt. Omega Jireh Fidel, patungong Calamba City sa Laguna ang DLTB Bus Company (TYZ-115) mula sa bayan ng Sto. Tomas nang mahagip nito ang mga biktima na naglalakad sa gilid ng highway bandang alas-2:40 ng madaling araw.
Hindi naman hinintuan ng bus ang dalawang nasagasaan kung saan tuluy-tuloy na bumiyahe patungong Calamba City.
Gayon pa man, bandang alas-4:30 ng umaga, nakatanggap ng tawag ang Sto. Tomas PNP mula sa Calamba City PNP upang ipaalam na may natagpuang bangkay ng lalaki na nakasabit pa sa ilalim ng DLTB Bus matapos itong sumailalim sa inspeksyon sa kanilang terminal.
Tumakas naman ang driver na si Nicson Dol nang madiskubre ang bangkay ng kanyang nasagasaan pero sumuko rin kinabukasan sa mga pulis.