MANILA, Philippines – Umaabot sa 23 pamilya (80-100 katao) ang inilikas matapos na gumuho ang tunnel ng minahan sa bayan ng Itogon, Benguet noong Biyernes ng hapon. Sa ulat ng Cordillera Administrative Region (CAR) Office of Civil Defense, dakong alas-5 ng hapon nang tuluyang gumuho ang drainage tunnel ng Benguet Corporation sa Barangay Virac. Pinaniniwalaang lumambot ang lupa sa minahan dahil sa patuloy na buhos ng ulan dulot ng bagyong Lando hanggang sa tuluyan itong bumigay kamakalawa. Nabatid pa na dalawang kabahayan sa tagiliran ng bulubunduking minahan ang nagtamo ng pinsala kung saan walang nakatirang pamilya. Kaugnay nito, namahagi na ng relief goods ang lokal na pamahalaan sa mga naapektuhang residente. Magugunita na sa kasagsagan ng bagyong Lando ang Benguet ang nakapagtala ng pinakamalaking bilang ng mga namatay na kung saan umabot sa 15-katao sa kabuuang 21 sa kalamidad sa CAR habang sa 18 naman nasugatan.