Parak inutas ng Sayyaf sa jogging
MANILA, Philippines - Pinagbabaril nang malapitan ng dalawang armadong kalalakihan na pinaghihinalaang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang pulis sa bisinidad ng Jolo airport, Brgy. Liyang, Patikul, Sulu kamakalawa.
Kinilala ni Brig. Gen. Allan Arrojado, Commander ng AFP- Joint Task Group (JTG) Sulu ang nasawing biktima na si PO2 Espaldon Tingkahan, 40, may-asawa at nakatalaga sa 2nd Provincial Public Safety Company (PPSC).
Ayon kay Arrojado, naganap ang insidente sa nasabing lugar habang nagjo-jogging ang biktima bandang alas-5:40 ng umaga.
Sa imbestigasyon, sinabayan ng mga suspek sa pag-ehersisyo ang parak saka bigla na lamang itong pinagbabaril.
Duguang bumulagta ang biktima na agad binawian ng buhay sa insidente bunga ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang mga katawan.
Nagresponde naman sa lugar ang mga elemento ng Army’s 35th Infantry Battalion (IB) na nakipagpalitan ng putok sa mga suspek na nagawa namang makatakas patungo sa bulubunduking bahagi ng lugar.
- Latest