Nam-bully ng kaklase, todas

Police line

MANILA, Philippines - Idineklarang dead-on- arrival sa ospital ang isang 14-anyos na binatilyo matapos na bumagsak ito sa semento ng kanilang silid-aralan nang makaaway ang tatlong ka­klase na ang isa rito ay kanya umanong binu-bully kamaka­lawa sa Brgy. Bagbaguin, Sta.Maria, Bulacan.

Ang nasawing biktima ay kinilalang si Rioben Santor, residente ng Saint Mary’s Northville 5-A, Brgy. Caysio sa bayang ito.

Nasa pangangalaga naman ng lokal na DSWD ang nakaaway na mga kaklase ni Santor na itinago sa mga pa­ngalang Butchoy 13, Nonoy 15 at Boyet 14.

Lumalabas sa imbestigas­yon, bago nangyari ang insidente dakong alas-11:00 ng umaga ay katatapos lang kumuha ng  pagsusulit ang mga estudyante nang lapitan ni Santor si alyas Butchoy at binatukan.

Nagalit si Butchoy sa biktima at nagpambuno ito at dito ay sinubukan naman nina alyas Nonoy at Boyet na awatin ang dalawa, subalit sila umano ay sinuntok ni Santor.

Kaya’t nakisali na din sina Nonoy at Boyet na kung saan ay aksidenteng bumagsak sa sementadong sahig ang ulo ni Santor na naging dahilan upang mangisay ito.

Humingi ng tulong ang classroom president na si John Robert Gregorio sa kanilang teacher/adviser na nasa faculty room saka kaagad na isinugod si Santor sa ospital subalit nasawi rin ito.

Show comments