Kinidnap na mayor, laya na

MANILA, Philippines – Pinalaya na rin mula sa anim na buwang pagkakabihag ng mga teroristang Abu Sayyaf ang isang mayor sa bayan ng Naga, Zamboanga Sibugay kahapon ng umaga.

Sa ulat na nakarating kay Brig. Gen. Allan Arrojado, commander ng Joint Task Group Sulu, bandang alas-6:50 ng umaga nang ihatid si Naga Mayor Gemma Adana ng mga matatandang relihiyoso at lokal na opisyal ng bayan ng Indanan sa bahay ni Sulu Gov. Abdusakur “Totoh” Tan Jr.

Kasalukuyan  namang napilitan ang mga kidna­per na palayain si Mayor Adana  dahil sa matinding military pressure laban sa mga bandido kung saan inaalam kung may kapalit na ransom ang pagpapalaya.

Isasailalim din sa stress de briefing at medical checkup si Adana kung saan dadal­hin siya sa Zamboanga City  para makapagpahinga.

Si Adana ay kinidnap ng mga armadong kalalakihan sa bahay nito sa Barangay Taytay Manubo, bayan ng Naga, Zamboanga Sibugay noong Abril 6 at itinago sa Sulu.

 

Show comments