MANILA, Philippines – Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng 74-anyos na lola matapos itong pagsasaksakin ay itinapon pa ang bangkay nito sa malalim na balon sa Barangay San Aurelio 1st, bayan ng Balungao, Pangasinan noong Biyernes. Sa ulat ni P/Senior Supt. Rolly Saltat, officer-in-charge ng Pangasinan PNP na isinumite sa Camp Crame, bandang alas-9:30 ng gabi nang marekober ng pulisya sa balon ang bangkay ni Aida Garcia. Ang bangkay ng matanda ay nadiskubre ng kaniyang apong si Jaffy Garcia matapos nitong hanapin ang kaniyang lola kung saan nailawan ng flashlight ang nakalutang na matanda sa balon may 40 metro ang layo mula sa bahay nito. Nadiskubre naman ang mga bakas ng dugo sa labas ng bahay ng matanda patungo sa direksyon ng balon na palantandaang hinila ito at itinapon ang bangkay.