MANILA, Philippines – Dahil sa pagtanggi na maging community organizer ng New People’s Army, pinagbabaril ng mga rebelde sa harapan ng kaniyang mister at tatlong iba pa ang isang misis sa bayan ng San Fernando, Masbate noong Biyernes.
Kinilala ang biktima na si Meriam Capsa ng Barangay Valparaiso sa nasabing bayan.
Sa police report na isinumite sa Camp Crame, patungong Barangay Poblacion sa bayan ng San Jacinto ang biktima kasama ang kanyang mister at tatlong iba nang harangin ng mga rebelde pagsapit sa nasabing barangay.
Pinababa ang biktima sa kanyang motorsiklo habang ang mister nito at tatlong iba pa ay tinutukan ng mga rebelde kung saan hindi naman pumalag.
Iginapos ang biktima saka pinagbabaril hanggang sa mapatay saka mabilis namang nagsitakas ang mga rebelde patungo sa kabundukan.
Sa pahayag ng mister sa mga awtoridad, sinabi nito na simula pa noong 2013 ay pabalik-balik na sa kanilang bahay ang mga rebelde kung saan hinihimok ang kaniyang misis na maging community organizer ng mga ito pero nagmamatigas na tumanggi ang biktima.