Bus binomba: 1 patay, 32 sugatan

Bus binomba: 1 patay, 32 sugatan

MANILA, Philippines - Isang babae ang nasawi habang 32 katao ang nasugatan makaraang sumabog ang bomba na itinanim sa loob ng isang pampasaherong bus sa Labuan terminal, Zone 1, Zamboanga City kahapon.

Ayon kay SPO2 Alex Mabalot , Public Information Officer ng Zamboanga City Police naitala ang pagsabog dakong alas-2:25 sa loob ng Biel Transit na may body number 1641 sa Morga Compound, Calixto Street, Zone 2 ng lungsod.

Ang mga biktima na pasahero ng nasabing bus ay mabilis na isinugod sa iba’t ibang pagamutan sa lungsod na kung saan nasawi ang hindi pa kilalang babae na nasa 20-anyos.

Ang nasabing bus ay galing sa Brgy. Labuan at kararating lamang sa nasabing terminal nang maganap ang pagsabog.

Nabatid na kasalukuyang nagbaba ng mga pasahero ang nasabing bus nang sumambulat ang eksplosibo na itinanim sa loob nito ng hindi pa natukoy na mga suspek.

Kasalukuyang iniim­bestigahan ang kaso upang matukoy kung sino ang nasa likod nang pagpapasabog.

 

Show comments