BULACAN, Philippines – Apat na katao kabilang ang isang babae na hinihinalang sangkot sa pagbebenta ng illegal na droga ang naaresto matapos ang panibagong drug buy bust operation sa Brgy. Bayugo,Meycauayan City, Bulacan kahapon ng umaga.
Nahaharap sa kaso ang mga suspek na sina Naef Ajinoor 20, Salim Macalalo, 41, anak nitong si Hamsa Saripada, 28, at live-in nitong si Joveann Termulo, 22, pawang mga residente ng Blk. 13, Northville 3, Brgy. Bayugo sa naturang bayan.
Base sa ulat ni P/Supt. Lailene Amparo dakong alas 10:30 ng umaga ay isang poseur buyer na pulis ang bumili ng isang sachet ng shabu sa isang alyas na Naef matapos na napag-alamang patuloy na nagbebenta ito ng shabu sa loob ng naturang komunidad at nang makabili na ay dito na sinalakay ang loob ng bahay kung saan naaaktuhan pa ang mga ito na nagrerepak ng shabu.
Bukod sa nakuhang isang baril, narekober sa loob ng bahay ng mga suspek ang pitong pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P60,000 isang digital weighing scale, mga drug paraphernalias, isang .357 revolber at mga bala nito, isang wig sa buhok, P500 pisong marked money at isang PNP uniform.
Si Saripada ay may nakabimbing kaso ng nabigong pagpatay laban sa biktimang si Michael Camargo, 32, ng naturang ding lugar at positibo niyang itinuro ang una na siyang sumaksak sa kanya sa leeg at katawan ngunit hindi napuruhan noong Setyembre 6,2015 habang nagtatalo.