Buyogan Festival umarangkada

MANILA, Philippines – Aarangkada ngayon ang Buyogan Festival na naka­tuon sa insektong bubuyog ang pinagmulan ng pangalan ng bayan ng Abuyog sa lalawigan ng Leyte.

Sa pahyag ni Abuyog Mayor Octavio Traya Jr., tampok sa Buyogan Festival ang Buyogan parade na lalahukan ng iba’t ibang grupo. Ang mga kalahok ay nagsusuot ng iba’t ibang makulay na costumes na ibinase sa mga hugis at kulay ng mga bubuyog.

Maging ang mga bata ay ginagaya ang maliliit na bu­buyog na iniikutan ang beehive. Ang ibang kalahok na sumasaway sa festival ay may mga pintura ang mukha at katawan at may henna tattoo tulad sa tribal designs.

Sa Buyogan Festival ay inilalarawan ng mga kalahok ang etnikong kasaysayan ng kanilang lugar kung saan ipinagdiriwang ito sa ikaapat na buwan ng taon.

Base sa kasaysayan, nakuha ng nasabing bayan ang pangalang ito nang dumaong ang Spanish sailors sa bukana ng ilog upang kumuha ng mga suplay.

Ngunit sinalubong sila ng mga katutubo kung saan nagtanong ang mga Kastila kung ano ang pangalan ng lugar.

Inakala ng mga katutubo na ang tinatanong ay kung ano ang pangalan ng mga insekto, kaya sinagot nila na “Buyog.”

Inulit ang sinabi ng mga katutubo, ang nabigkas ng Kastila ay “Ah! Buyog” kaya simula noon ay iyon na ang naging pangalan ng nasabing bayan.

Show comments