MANILA, Philippines – Umaabot sa 46-katao ang nalason makaraang kumain ng fried chicken at pancit na inihanda sa selebrasyon ng birthday party sa Barangay San Sebastian, bayan ng Sta. Barbara, Iloilo kamakalawa. Sa inisyal na ulat na nakarating sa Office of Civil Defense Region 6, pritong manok at karne na inihalo sa pancit canton ang inihanda sa birthday party ng isang miyembro ng pamilya Agraviador. Gayon pa man, ilang oras matapos na kumain sa handaan ay nagsimulang sumakit ang tiyan, pagkahilo, at pagsusuka ang mga biktima kaya isinugod sa Western Visayas Medical Center. Sa pahayag ng kasambahay ng pamilya, halos nagkadurug-durog na ang karne ng manok na iniluto kung saan ay mabaho na ang amoy nito. Isinailalim na sa pagsusuri ang sample ng pagkain na inihanda sa birthday party upang kumpirmahin ang sanhi ng food poisoning.