40 nalason sa paksiw na manok at baboy
MANILA, Philippines – Umaabot sa 40-katao ang nalason makaraang mananghalian ng paksiw na manok at baboy sa isinagawang medical mission ng lokal na pamahalaan ng Tinambac, Camarines Sur, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat na tinanggap ng Office of Civil Defense Region V, dakong alas-7 ng gabi kamakalawa nang matanggap nila ang ulat mula kay P/Chief Inspector Paul Cabug, hepe ng Tinambac MPS sa naganap na food poisoning.
Sa inisyal na imbestigasyon, nag-medical mission sa Brgy. Banga ang konseho ng barangay na sinuportahan naman ng lokal na pamahalaan noong Biyernes kung saan may libreng pananghalian.
Gayon pa man, marami ang natirang ulam kaya iniuwi ito ng mga residente at kinain noong Sabado at Linggo.
Makalipas ang ilang oras ay dumanas ng matinding pananakit ng tiyan, pagsusuka, pananakit ng ulo at grabeng diarrhea ang mga residente kaya isinugod sa pagamutan.
Ayon kay Dr. Francisco Severo ng Tinambac Municipal Hospital, hinihintay nila ang kumpirmasyon sa test ng Provincial Health Office upang madetermina ang sanhi ng pagkalason ng mga biktima.
Nabatid na hanggang kahapon, karamihan sa mga biktima ay out-patient na habang may ilan pa rin ang patuloy na inoobserbahan sa nasabing ospital.
- Latest