MANILA, Philippines – Tatlo katao ang iniulat na nasugatan habang nasa ligtas namang kalagayan ang 544 pasahero at tripulante matapos na masunog ang sinasakyang pampasaherong barko nang dumaong ito sa pier ng Ormoc City, Leyte kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Lt. Jim Aris Alagao, Public Affairs Officer ng AFP-Central Command, dakong alas-4:20 ng umaga nang masunog ang barkong M/V Wonderful Star na kadadaong lamang sa pantalan.
Agad namang nagresponde ang mga elemento ng Army’s 802nd Infantry Brigade, Philippine Coast Guard (PCG) 8 at Office of Civil Defense (OCD) 8 upang magsagawa ng search and rescue operations.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na ang sunog ay nagmula sa cargo handling area sa may cabin ng mga crew ng barko at mabuti na lamang at nagsisibaba na ang mga pasahero ng mangyari ang insidente.
Napansin umano ng mga nagsisibabang pasahero ang makapal na itim na usok na nagmumula sa cargo handling area ng barko kaya nagtakbuhan na ang mga ito sa hagdanan at tulay sa may pier para makalayo sa lugar.
Nabatid na ang M/V Wonderful Stars ay pag-aari ng Roble Shipping Lines na nakabase sa Cebu City.
Magugunita na noong Hulyo ay lumubog rin ang ferry boat na M/B Kim Nirvana sa karagatan ng Ormoc City na kaalis lamang sa pier at patungong Camotes Island, Cebu na ikinasawi ng 61 katao.