Tserman, eskort todas sa ambush

MANILA, Philippines - Isang barangay chairman na aktibo sa kampanya kontra droga at security escort nito ang kapwa nasawi matapos na tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga kalalakihan sa Pikit, North Cotabato kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 12, kinilala ang mga nasawi na sina Dats Simon, chairman ng Brgy. Bulol at eskort na si Akmad Bantas. Agad silang namatay sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng cal. 45 pistol sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Sa imbestigasyon, magkaangkas sa motorbike ang dalawang biktma pauwi na sa kanilang tahanan nang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan pagsapit sa Brgy. Gli-Gli ng nasabing bayan. Sila ay kapwa tumilapon sa motorsiklo at namatay noon din habang mabilis na tumakas ang mga salarin.

Nauna rito, nakatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay ang nasabing punong barangay mula sa hindi pa nagpakilalang texter.

Sinisilip na anggulo sa pagpatay ay ang aktibong pakikiisa ng biktima sa anti-drug campaign habang blangko pa ang mga awtoridad kung sino ang reponsable sa krimen. (Joy Cantos/Rhoderick Beñez)

Show comments