Ina binuhusan ng kumukulong tubig ng anak

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Arestado ang isang 48-anyos na lalaki na sinasabing lango sa droga matapos nitong sabuyan ng kumukulong tubig ang kanyang 79-anyos na ina sa kanilang bahay sa Barangay Centro West, bayan ng Ballesteros, Cagayan kamakalawa ng umaga. Sa ulat na nakarating kay P/Senior Insp. Stanley Banan, hepe ng Ballesteros PNP, isinugod sa ospital ang nagsisisigaw sa hapdi na si Lola Sabina Guira kung saan siya ginamot sa natamong 3rd degree burns. Pormal na kinasuhan ang suspek na si Fidel Guira, walang trabaho at nakikitira sa bahay ng pamilya ng matanda. Lumalabas sa imbestigasyon na naghahanda ng kanilang almusal ang biktima sa kusina nang bigla na lamang kunin ng suspek ang kaserola ng kumukulong tubig at ipinampaligo sa matandang ina.?

Show comments