Magsasaka itinumba ng NPA

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Pinaniniwalang tumatangging magbigay ng revolutionary tax sa mga rebeldeng New People’s Army ang 50-anyos na magsasaka kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay sa harap ng kanyang mag-ina kahapon ng umaga sa Barangay Naburacan, bayan ng Matnog, Sorsogon. Sa inisyal na ulat ng pulisya, lumilitaw na abala sa niyugan ang biktimang si Lluminado Garbin Jr. kasama ang kanyang pamilya nang lapitan ng grupo ng mga rebelde kaugnay sa hinihinging revolutionary tax. Nangatwiran naman ang biktima sa grupo ng NPA kaya isinagawa ang pamamaslang. Nabatid na matagal ng humihingi ng revolutionary tax ang mga rebelde subalit hindi nagbibigay ang biktima dahil halos nagkakasya lamang sa kanyang pamilya ang kinikita sa niyugan.

Show comments