Flashflood: 5 katao patay

Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Lima-katao ang iniulat na namatay habang 3 naman ang nawawala sa pananalasa ng flashflood sa tatlong barangay sa Valencia City, Bukidnon noong Martes ng hapon, ayon sa opisyal kahapon.

Sa ulat ni Alejandro Larosa Jr., City Disaster Risk Reduction and Management Office, rumagasa ang malakas na agos ng tubig-baha sa mga Barangay Guinoyuran, Tugaya at sa Barangay Poblacion.

Kinilala ang  mga biktima na  sina Baby Rose Batistil, 9; ng Brgy. Guinuyoran; Lea Luzano, 7; Jelove Badoy, 6; ng Brgy. Tugaya; Gina Eroisa ng Brgy. Poblacion at ang anim na buwang sanggol na si Baby Eroisa na namatay sa Lavina General Hospital kahapon ng umaga.

Samantala, kabilang naman sa nawawala  ay sina Bobsky Batisil, 7; ng Brgy. Guinuyoran; Eddie Eroisa,  at si Epifanio Canyamu, 23, ng Brgy. Poblacion.

Nasa 103 pamilya  o kabuuang 483-katao naman ang naapektuhan ng tubig-baha kung saan pansamantalang naninirahan sa Valencia City Gymnasium.

Nabatid na umapaw ang ilog kaya rumagasa ang tubig-baha sa tatlong barangay kung saan patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods sa mga naapektuhang pamilya.

Show comments