2 mag-aaral dedo sa SUV ng pamangkin ni FVR

MANILA, Philippines - Dalawang estudyante ang namatay habang isa naman ang nasa kritikal na kalagayan makaraang salpukin ng sports utility vehicle (SUV) ng pamangkin ni ex-President Fidel Ramos sa kahabaan ng provincial road sa Barangay Domampot, bayan ng Asingan, Pangasinan kamakalawa.

Kinilala ang mga namatay na sina Ryan Sison, 17; 4th year student; at Manilyn Abellanida, 16, 3rd year high school.

Patuloy namang isinasalba ang buhay sa Urdaneta District Hospital ang isa pang backrider sa motorsiklo na si Leo Aquino,16.

Sa ulat ng Pangasinan PNP na isinumite na Camp Crame, naganap ang malagim na sakuna sa nasabing lugar bandang alas-10:15 ng umaga matapos na salpukin ng puting Ford Everest na may red plate SKA 823 ang kasalubong na motorcycle na minamaneho ni Sison na sinasabing walang kaukulang lisensya.

Ang nasabing puting SUV ay natukoy na pag-aari ni Board member Ranjit Shahani na dala ng driver nito na sakay si Rogelio Cuyo, 38, at hindi naman lulan ang opisyal ng mangyari ang trahedya.  

Si Shahani ay pamangkin ni dating Pangulong Ramos.

Show comments