Mag-utol, pinsan minasaker sa Batangas

Iniimbestigahan ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang bahay ng tatlong batang minasaker sa Lipa City, Batangas kahapon ng madaling araw. Arnell Ozaeta

BATANGAS, Philippines – Tatlong bata kabilang ang mag-utol ang minasaker ng mga di-kilalang kalalakihan matapos itong pagpapaluin sa loob ng kanilang bahay sa Lipa City, Batangas kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni P/Supt. Carlos Barde, hepe ng Lipa City PNP ang biktimang mag-utol na sina Princess Oliveros, 10; Prince Andrae Oliveros, 7; at ang pinsang si Joyce Ann Oliveros, 8.

Natagpuan ang mga bangkay sa loob ng ka­ni­lang kuwarto sa Harold Villalobos Apartment sa San Nicolas Street sa Barangay Balintawak matapos dalawin ng kanilang tiyuhin na si Arthur Cunanan bandang alas-6:30 ng umaga.

Dadalhan sana ng pagkain ni Arthur ang mga bata nang matagpuan ang mga ito na may mga sugat sa ulo na pinaniniwalaang pinukpok ng matigas na bagay.

Batay sa salaysay ng lola ng mga bata na si Sefty Jane Oliveros at Lolo Ale­xander, iniwan nila ang mga bata bandang ala-1:30 ng madaling araw para magtinda sa palengke ng Lipa Public Market nang maganap ang krimen.

“Sinabihan ko pa nga si Princess na i-lock ang pinto bago kami umalis, tapos nung bumalik si Arthur para dalhan sila ng pagkain, doon natagpuan ang mga bata,” pahayag pa ng lola

Samantala, sa pana­yam kay Lola Jane, sinabi nito na may pinagalitan siyang tatlong kalalakihan sa kanilang lugar na posibleng gumawa ng pagpatay.

Hindi naman nito pina­ngalanan ang tatlo dahil na rin sa kanyang seguridad habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments