3 mag-uutol nalason sa puto

STAR/File photo

MANILA, Philippines - Tatlong magkakapatid ang nalason makaraang kumain  ng puto na may leche flan na sinasabing pasalubong ng kanilang ama sa  Barangay Gulang Gulang, Lucena City, Quezon noong Miyerkules. Kasalukuyang ginagamot sa Mount Carmel Hospital ang mga biktimang sina Raldup Alyster Baron, 9; Ryzelle Ann Baron, 4; at si Rhen Baron, 1. Base sa police report na isinumite sa Camp Crame, bumili ng puto leche sa isang vendor si Rodulfo Baron para pasalubong sa kanyang tatlong anak noong Miyerkules ng hapon. Gayon pa man, ilang minuto ang nakalipas matapos kumain ng puto ay dumaing ng matinding pananakit ng tiyan, pananakit ng ulo at pagsusuka ang mga biktima. Kasalukuyang isinailalim sa pagsusuri ang sample ng puto leche na nakalason sa mga biktima.

Show comments