TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Umaabot sa 60-kilong karne ng baka na sinasabing kontaminado ang nasabat ng operatiba ng pulisya at City Veterinary Office sa Barangay Tres, San Fernando City, La Union kahapon. Sa ulat ni P/Supt. Julius Suriben, hepe ng San Fernando City PNP, matagal na nilang minamanmanan ang operasyon ng mga kolorum na dealer ng karne na walang kaukulang inspeksiyon. Naaresto ng mga operatiba ng pulisya ang suspek na si Loreta Maon, 43, ng Bacnotan na nagbalak magpuslit ng 60-kilong botchang karne ng baka sa malaking restaurant sa nasabing lungsod. Ayon kay City meat Inspector Josephine Lorenzana, nilalayon ng mga kolorum meat dealers na ibenta ng mura ang mga luma at karneng mula sa mga hayop na maysakit kung saan hindi dumadaan sa pagsusuri ng nabanggit na tanggapan.