2 holdaper patay sa shootout
CAVITE, Philippines – Bulagta ang dalawang notoryus na holdaper matapos itong makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Imus City, Cavite kahapon ng umaga.
Base sa police report na isinumite sa Camp Pantaleon Garcia, hinoldap ng dalawang di-kilalang lalaki ang sangay ng LBC remittance center sa Barangay Bucandala sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na nagkunwaring customer ang dalawang di-kilalang lalaki saka tinutukan ng baril ang isa sa kawani ng LBC na si Janela Aquino.
Gayon pa man, matapos na makuha ang aabot sa P10, 000 pinapasok ang mga kawani sa palikuran.
Kaagad na tumakas ang dalawang holdaper lulan ng motorsiklo.
Ilang minuto ang nakalipas ay tumawag sa himpilan ng pulisya ang isang residente na ipinaalam ang kinaroroonan ng dalawang holdaper.
Inabutan ng mga operatiba ng pulisya ang dalawa sa gitna ng palayan kung saan pakipagbarilan at napatay.
Itinuturong responsable rin ang mga napaslang sa panloloob sa sangay ng LBC sa Barangay Burol I, Dasmariñas City noong Sabado. Sangkot din ang dalawa sa serye ng holdapan sa Cavite.
- Latest