Kuya pinabulagta ni bunso

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Napatay ang 49-anyos na mister matapos itong ratratin ng kanyang nakababatang utol na retiradong sundalo ng Phil. Army dahil sa pagkapikon sa inuman kamakalawa ng hapon sa Barangay Cambulaga, Sorsogon City, Sorsogon. Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Wilnor Jamoso habang nasakote naman ang suspek na si Ronilo Jamoso, 44, kapwa nakatira sa nasabing barangay. Base sa police report, magkasamang nag-iinuman ang magkapatid at ilang kaibigan nang magalit ang suspek dahil sa binitawang salita ng biktima na nainsulto sa pagkatao nito. Sumiklab ang matinding pagtatalo sa harapan ng mga kaibigan ng mag-utol hanggang sa maganap ang pamamaril bandang alas-4:30 ng hapon. Hindi na nakatakas ng suspek matapos itong makorner ng mga operatiba ng pulisya kung saan narekober ang cal. 45 pistol na ginamit sa krimen.

Show comments