MANILA, Philippines – Napaslang ang isa sa dalawang wanted person habang kritikal naman ang kapatid ng isa sa mga ito nang pagsasaksakin matapos na ipagkanulo sa pulisya ang kanilang pinagtataguan sa Barangay del Carmen, bayan ng Calabanga, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Camarines Sur PNP director P/Senior Supt. Primo Golingay, sinalakay ng mga operatiba ng pulisya ang pinagtataguan ng dalawang wanted na sina Lorenzo del Castillo, 36; at Jose del Castillo, 35.
Nabatid na nagsilbing guide ng mga awtoridad ang kapatid ni Jose na si Mateo del Castillo para matunton ang pinagtataguan ng dalawang wanted.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Ma. Angela Accompañado-Arroyo ng San Jose Regional Trial Court Branch 58 sa Camarines Sur sa kasong murder kung saan walang inirekomendang piyansa.
Gayon pa man habang kinakatok ni Mateo ang bahay na pinagtataguan ng kapatid at isa pa nilang kaanak ay nagalit si Jose nang makitang may kasama itong mga pulis kaya pinagsasaksak ang una sa matinding galit dahil ipinagkanulo umano sila.
Nang makita ang insidente ay agad nagbigay ng warning shot ang pulisya upang pasukin ang mga suspek pero ayaw paawat ng isa sa mga ito sa pananaksak kay Mateo.
Dito na napilitan ang arresting team na barilin at mapatay si Jose kung saan nagawa pang maisugod sa Bicol Medical Center subalit idineklarang patay ito habang patuloy na ginagamot ang sugatang si Mateo.