TRO sa recall election, inalis ng korte

‪Bulacan Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado‬. STAR/File photo

BULACAN, Philippines  - Inalis na ng mababang hukuman ang temporary restraining order (TRO) na pumipigil sa pagpapatuloy ng verificiation ng mga lagda sa petisyon para sa recall election laban kay Bulacan Governor Wilhelmino Alvarado.

Sa kautusang inilabas ni Judge Guillermo Agloro ng  Malolos City Regional Trial Court Branch 83,  premature ang naging pagdulog ni Gov. Alvarado sa korte. Kasabay nito, ipinag-utos naman ng office of the deputy executive director for operations ng Comelec na agad nang ipagpatuloy ang verification.

Kung mayroon mang depekto sa pagpapalabas sa mga pahayagan ng Comelec resolution na nagpapahintulot sa verification tulad ng argumento ni Gov. Alvarado, pinuna ng hukuman na isinaad ng Comelec na maaaring solusyunan ito oras na matapos ang verification at mapatunayang supisyente ang petisyon.

Ayon sa hukuman, sa ilalim ng doktrina ng exhaustion of administrative remedies, maaari lamang dumulog sa husgado ang isang tao kapag lahat ng posibleng remedyo sa kaniyang hinaing laban sa isang tanggapan ay naubos na.

Pinaglaban din ni Perlita Mendoza, recall petitioner na walang jurisdiction ang husgado sa pagpigil sa verification dahil ang proseso ay pagsunod lamang sa utos ng Comelec na isagawa na ito.

Nanaig din ang argumento ni Mendoza na hindi nalabag ang karapatan ni Alvarado sa due process sa verification dahil sa pagsasagawa ng beripikasyon ng lagda ng 319,707 petitioners.

Dahil sa pag-alis ng TRO, umapela si Mendoza  kay Alvarado na hayaang matuloy ang beripikasyon upang mapatunayan ang lahat ng kanyang alegasyon kaugnay sa mga pekeng lagda.

 

Show comments