NORTH COTABATO, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa magtiyuhin makaraang matupok ng apoy ang 200 bahay sa Barangay 35, Cagayan de Oro City kahapon.
Sa ulat ni BFP District Fire Marshall Supt. Shirley Teleron, kinilala ang mga biktima na sina Jason Dumagat, 30; at Jerby Macalaya, 13, tubong Talakag, Bukidnon at pansamantalang naninirahan sa nasabing lugar.
Samantala, sugatan naman ang dalawa matapos na tamaan nang sumabog na mga tangke ng gasul.
Una nang umabot sa 4th alarm ang sunog dahil sa lawak ng nasabing lugar kung saan umaabot sa 500 pamilya ang apektado ng sunog.
Tinatayang nasa P10-milyon halaga ng ari-arian ang nalamon ng apoy.
Napag-alaman na nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Ronnie Pindo kung saan nakaligtaang sinaing ang pinagmula ng apoy hanggang sa kumalat sa kalapit na kabahayan na karamihan ay gawa lamang sa light materials.