LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Aabot sa milyong halaga ng ari-arian ang sinabotahe ng mga rebeldeng New People’s Army matapos nitong sunugin ang cement mixer at saku-sakong semento kamakalawa ng hapon sa Purok 3, Barangay Tamisan sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte.
Base sa ulat na nakarating sa Camp Simeon Ola sa Legazpi City, sinunog ng mga rebelde ang nakaparadang cement mixer na ginagamit sa proyekto ng local na pamahalaan at maging ang saku-sakong semento ay ikinalat sa kaslada upang hindi na mapakinabangan.
Maging ang susi ng isang truck na nakaparada sa lugar na gamit din sa proyekto ay kinuha ng NPA rebs kung saan hindi naman sinaktan ang katiwala ng sasakyan.
Kaagad na tumakas ang mga rebelde patunggo sa direksyon ng Sitio Pinagkaisahan sa Barangay Sta. Cruz.
Pinaniniwalaang tumangging magbigay ng revolutionary tax sa NPA rebs ang may-ari ng sasakyan kaya isinagawa ang pananabotahe.