MANILA, Philippines - Isa-katao ang namatay habang labinlima naman ang nasugatan makaraang mahulog sa bangin ang pampasaherong jeepney sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Salvacion, bayan ng Magallanes, Sorsogon kamakalawa.
Kinilala ang namatay na si Edmundo Homo ng Barangay Pawik habang naisugod naman sa ospital ang mga sugatang sina Dimingita Homo, 69, biyuda; Amy Antonio, 44; Kolando Hilit, 64; Marilyn Dollentes, 49; Bartolome Abano, 46; Ma. Theresa Abano, 44; Elenna Jao, 71; Rowena Felicidario, 44; Rosalie Bea, 18; Leonardo Palangca, 50; Gloria Non, 58; Bernito Handig, 34; Leonardo Gonza Jr., 32; at si Adelfa Gonza, 58.
Sa ulat ni Sorsogon PNP Director P/Senior Supt. Bernard Banac, naganap ang sakuna dakong alas-10:30 ng umaga kung saan bumabagtas ang pampasaherong jeepney (EAR-963) na minamaneho ni Teofilo Despabeladera.
Nabatid na nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng jeepney pagsapit sa pakurbadang bahagi ng highway kaya nahulog sa malalim na bangin.
Narekober ng mga nagrespondeng search and rescue team ang 29-sako ng semento, apat na kaban ng bigas, dalawang sako ng patuka at iba pa.
Boluntaryo namang sumuko sa himpilan ng pulisya ang driver ng jeepney na nahaharap sa kasong kriminal. Joy Cantos