SUBIC BAY FREEPORT ZONE, Philippines —Pormal na naghain ng reklamo sa Bureau of Labor Relations ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga rank and file employees ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) kaugnay sa umano’y hindi pagbibigay sa kanilang mga karampatang benepisyo na itinatadhana ng batas.
Pinangunahan nina Roberto Cabaltera at Russel Alonde, president at bise-presidente ng SBMA Employees Labor Association (SBMA-ELA), ang pagsasampa ng reklamo na nilagdaan ng 1,000 SBMA rank and file employees sa tanggapan ng DOLE sa Maynila.
Isa sa reklamo ng mga kawani ng SBMA ay ang pag-revert sa status ng mga kawani mula sa pagiging regular employees na naging contract of Service (CS) employees na lamang simula noong Enero 2010 hanggang kasalukuyan.
Hindi pagbibigay ng mga benepisyong cola, rice subsidy, uniform subsidy, performance incentives fees at 13th month pay na anila’y dati namang tinatanggap ng mga rank and file employees ng SBMA.
Sinabi pa sa reklamo na karamihan sa mga lehitimong casual employee ng SBMA simula pa noong 1993 hanggang 1996 at naging regular employees sa ilalim ng Freeport Services Corporation noong 1996 hanggang 2009.
Nang isara umano ang FSC noong 2009 ay ipinasok naman sila sa SBMA nang sapilitang papirmahin ng contract of service employment simula Enero 2010. Hindi rin umano binayaran ang kanilang separation pay nang malipat sa SBMA at napilitan lamang pumirma ng kontratang CS sa takot na mawalan ng trabaho.
Maging ang SSS contribution ng mga manggagawa na ang bumabalikat dahil sa naging voluntary contribution na lamang ito at walang katumbas na ibinabayad ang SBMA bilang employer. Alex Galang