NORTH COTABATO, Philippines - Maagang sinalubong ni kamatayan ang 56-anyos na guwardiya matapos pagtulungang hampasin ng mga kawatan na nanloob sa binabantayang bodega ng mga gloves ng golf na pag-aari ng Koreano sa Purok Bonifacio, Barangay Concepcion sa Koronadal City kahapon ng madaling araw. Kinilala ang napatay na si Gene “Jun” Calderon ng Super Village sa Barangay Zone 3. Lumilitaw sa pagsisiyasat na pinapasok ng guwardiya ang mga suspek dahil kilala niya ang mga ito. Subalit biglang hinampas ng mga suspek ang guwardiya ng makailang beses kaya natuluyang namatay. Sugatan naman ang sekretarya ng nasabing pabrika matapos itong hampasin sa mukha. Inaalam pa ng pulisya ang halaga na nilimas ng mga kawatan. Rhoderick Beñez