MANILA, Philippines – Nalalagay sa balag ng alanganing kasuhan ng graft si Pangasinan Governor Amado Espino at iba pang opisyal kaugnay sa sinasabing illegal na pagtatayo ng tinaguriang 6-feet tall na ‘great wall’ sa tatlong barangay sa bayan ng Lingayen sa nasabing lalawigan.
“The Department of Environment and Natural Resources said they did not issue any clearance for the construction of the wall. This is an anomalous project,” ayon kay Rolando Rea, isa sa complainant sa illegal black sand mining laban kay Gov. Espino at iba pang opisyal sa Ombudsman.
Ang itinayong illegal ‘great wall’ sa bayan ng Lingayen ay nasa dalampasigan ng Brgy. Estanza, Sabangan at Maimpuec.
Sinabi ni Rea, ang ‘great wall’ ay nagkukubli sa black sand mining operations at nagsisilbi ring harang upang makapaglayag sa karagatan ang mga residente.
Bukod sa pagsasampa ng kaso sa Ombudsman ay hihilingin din niya sa Commission on Audit (COA) ang imbestigasyon sa paggastos ng pamahalaan sa nasabing isyu. Iniutos na mismo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbuwag sa nasabing istraktura dahil wala silang permiso.
Nagbabala rin ang mga residente kay DENR Sec. Ramon Paje na kapag hindi binuwag ang nasabing great wall ay magpapatuloy ang black sand mining sa kanilang lugar.