MANILA, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-asawang matanda matapos itong pagnakawan ay pinagtulungang saksakin ng mga miyembro ng Akyat-Bahay Gang sa liblib na lugar sa bayan ng Pangantucan, Bukidnon, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang mag-asawa na sina Felipe Etabli, 60; at Lourdes Laurente, 60, kapwa nakatira sa Brgy. Pigtauranan sa nabanggit na bayan.
Sa ulat na nakarating kay P/Inspector Jiselle Longakit, nadiskubre ng kapatid na lalaki ng matandang babae ang bangkay ng mag-asawa sa kanilang bahay sa Barangay Pigtauranan noong Lunes ng umaga.
Huling nakitang buhay ang mag-asawa noong Sabado ng hapon matapos magtungo sa kabayanan.
Sa teorya ng pulisya na pinaslang ang mag-asawa noong Pebrero 15 ng madaling araw base sa pagsusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na pagnanakaw ang motibo dahil nawawala ang perang pinagbentahang kape ng mag-asawa.