CATANAUAN, Quezon, Philippines - Sa halip na magtungo sa paaralan upang sagutin ang pambu-bully ng anak, pinarusahan ng isang magsasaka ang pasaway na anak na lalaki sa pamamagitan ng pananaga at pambubugbog kamakalawa ng gabi sa Barangay Poblacion ng bayang ito.
Ginagamot sa Quezon Medical Center sa Lucena City ang biktimang itinago sa pangalang Peter, samantalang nakapiit pansamantala sa municipal station ang ama nitong suspek na itinago sa pangalang Mando.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:30 ng gabi ay katatapos lamang na maghugas ng kanilang kinainan ang biktima at nilapitan ang ama na nakaupo sa salas at nagsabing kinakailangan nitong pumunta sa paaralan upang magbigay ng paliwanag ukol sa ginagawa niyang pambu-bully sa mga kaklase.
Nagalit umano ang ama sa anak at tila nagdilim ang paningin nito hanggang sa kumuha ng silya at inihampas sa tuhod ng anak. Hindi pa nakuntento, kumuha pa ng gulok at tinaga sa ulo ang biktima.
Mabilis namang naisugod ang bata ng kanyang lolo sa Catanauan District Hospital subalit dahil sa grabeng kundisyon ay inilipat ito sa Lucena City.
Nahaharap sa kasong Frustrated Parricide in relation to RA 7610 ang suspek.