Mapormang mister pinatay ng senglot

QUEZON, Philippines – Napaslang ang 40-anyos na magsasaka na sinasabing mahilig pumorma matapos itong pagbabarilin ng dalawang nainggit na kapitbahay sa Sitio Kawayan Puso, Barangay Vigo Central sa bayan ng San Narciso, Quezon kamakalawa ng tanghali. Sa ulat ng pulisya, hu­ling namataang buhay ang biktimang si Danilo Mijares na nagpaalam sa kanyang asawa na pupunta sa barangay hall upang dumalo sa sayawan. Nang mapadaan ang biktima sa nag-iinumang mga suspek na sina Den-Den Lustado at Rodel Ebora ay kinursunada ito dahil sa pagiging maporma. Binalewala naman ng biktima ang pangungursunada ng dalawa kung saan nagpatuloy ito sa paglalakad patungo sa sayawan. Subalit lingid sa biktima ay sinundan siya ng mga suspek na senglot saka isinagawa ang pamamaril at kaagad na tumakas.

Show comments