Banyaga dinedo sa bus terminal

STAR/File

BULACAN, Philippines – Napatay ang 65-anyos na babaeng taga-Bulgaria matapos itong pagbabarilin ng di-kilalang lalaki sa bahagi ng bus terminal sa Barangay Sta. Clara, bayan ng Sta. Maria, Bulacan kahapon ng umaga.

Nagawang maisugod sa Rogasciano M. Mercado Memorial Hospital subalit hindi na umabot ng buhay ang biktimang si Lina Vasileva-Hristova ng Marian Subdivision sa Barangay Poblacion.

Sa imbestigasyon ni PO2 Jonathan Mañacap, bumaba sa traysikel ang biktimang kasama ang kaibigang si Jhoana Durana nang lapitan at pagbabarilin ng gunman bandang alas-8:30 ng umaga.

Nabatid na patungong Maynila ang magkaibigan upang dalawin ng biktima ang kanyang anak na si Dentsislav Hristova na sinasabing nakakulong sa himpilan ng Bureau of Immigration and Deportation (BID).

Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng cal.9mm pistol habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Nakipag-ugnayan ang pulisya sa Bulgarian Embassy upang ipaalam ang naganap na insidente sa kanilang kalahi.

 

Show comments