BULACAN, Philippines – Magkasabay na sinalubong ni kamatayan ang magtiyuhin matapos na pagbabarilin ng dalawang lalaki na bumibili ng panabong na manok sa Barangay Silangan, bayan ng Santa Maria, Bulacan kahapon.
Nagtamo ng apat na tama ng bala sa katawan si Salvador Endaya, 64, habang dalawa naman sa pamangkin nitong si Roberto Fombuena, 50, ng Barangay FVR sa bayan ng Norzagaray, Bulacan.
Pansamantalang hindi ibinunyag ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek na nakilala sa rouge gallery upang hindi mabulabog ang follow-up operation.
Sa imbestigasyon ni PO2 Jonathan Mañacap, magkasama ang magtiyuhin sa lupaing may mga sasabunging manok nang dumating ang dalawang lalaki na bibili ng panabong na manok.
Ilang minuto ang nakalipas matapos ang pakikipagnegosasyon ay pinagbabaril na ng dalawa ang magtiyuhin.
Narekober sa crime scene mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang patuloy ang pagsisiyasat.