MANILA, Philippines - Napaslang ang sinasabing notoryus na big time drug pusher matapos na makipagbarilan sa pulisya habang dalawa naman ang nasakote sa isinagawang drug bust operation na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng P1-milyong halaga ng shabu sa Panabo City, Davao del Norte kamakalawa.
Kinilala ni P/Supt. Antonio Rivera, ang napatay na si Amel Saronay na nasa watchlist ng PNP kaugnay ng pagkakasangkot nito sa talamak na pagtutulak ng droga.
Arestado naman sa operasyon ang dalawa pa nitong kasamahan na sina Abel Amanola at Brian Billa.
Bandang alas-9:30 ng umaga nang salakayin ng mga operatiba ng pulisya ang kinaroroonan ng grupo sa Purok Islam, Barangay Gredu.
Isinagawa ang pagsalakay base sa search warrant na ipinalabas ng korte pero habang papasok pa lamang ang mga awtoridad ay sinalubong na sila ng mga putok ng baril ni Saronay na nauwi sa shootout.
Nakumpiska ang 13 malalaking plastic at 22 maliliit na sachet na naglalaman ng shabu kung saan may street value na aabot sa P 1 milyon,
Nasamsam din ang cal.38 revolver, dalawang cal. 45 pistol, fragmentation grenade at malaking halaga.