CAMARINES NORTE, Philippines - Patay ang 43-anyos na lineman ng Camarines Sur Electric Cooperative 1 matapos itong mabundol at makaladklad pa ng pampasaherong bus ang minamaneho nitong traysikel sa kahabaan ng Maharlika Highway sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur kamakalawa ng hapon. Kinilala ang biktima na si Wilfredo Calisura ng Zone 5, sa Barangay Bagumbayan sa nasabing bayan habang sumuko naman sa pulisya ang driver na si Ronaldo Magana, 56, ng Purok 1, Barangay Magang sa bayan ng Daet, Camarines Norte. Sa ulat ni P/Senior Supt. Primo Golingay, minamaneho ng biktima ang kaniyang traysikel (6409EX ) sa nasabing highway nang suwagin ito ng Elavil passenger bus (TYX 418) na minamaneho ni Magana. Sa lakas ng pagkakabangga ay nayupi ang tricycle kung saan nagtamo ng matinding sugat sa katawan ang biktima.