Lolo sinalpok ng trak, patay

NUEVA ECIJA, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa 75-anyos na lolo na nagbibisikleta matapos itong mabundol ng 6-wheeler truck sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Sumacab Este, Cabanatuan City sa Nueva  Ecija kamakalawa. Naisugod sa MN Gallego Hospital subalit idineklarang patay si Renato Macapagal Sr. ng Acropolis Subdivision sa Barangay Sumacab Este sa nabanggit na lungsod. Sumuko sa pulisya ang drayber na si Reymark Pana ng Barangay Catalanazan, Muñoz City sa Nueva Ecija. Nabatid na biglang kumaliwa sa highway ang nagbibisikletang lolo kaya aksidenteng nabundol at nakaladkad ng truck na may plakang ZJM-795 na patungong bayan ng Sta. Rosa.

Show comments