Palengke pinasabog
NORTH COTABATO, Philippines – Binalot ng tensiyon ang mga mamimili matapos sumabog ang itinanim na bomba ng dalawang di-kilalang lalaki sa bisinidad ng pamilihang bayan sa Kabacan, North Cotabato kamakalawa ng gabi. Wala namang iniulat na nasaktan sa pagsabog sa loob ng nasabing palengke kung saan naging alerto ang pangkat ng Barangay Peace Keeping Action. Ayon kay P/Chief Insp. Ernor Melgarejo, hepe ng Kabacan PNP, ang improvised explosive device ay gawa sa TNT, concrete nails at cellphone na triggering device. Ayon sa pulisya, ang pagkakagawa ng IED na sumabog sa bayan ng Kabacan kamakalawa ng gabi ay katulad ng mga bombang sumabog sa mga bayan ng Mlang, Pikit at iba pang lugar sa lalawigan. Kalimitang inihahalo ang bomba sa mga sako ng bigas, tinapay at sa prutas saka iniiiwan lamang sa mga matataong lugar. Ayon kay Chairman Mike Remulta na posibleng ang dalawang di-kilalang lalaki na namataang kumakain sa Demyar Snackhuz ang naglagay sa sako ng pampasabog bago umalis. Nagpasalamat naman si Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr., sa pagiging alerto ng mga mamamayan kaya hindi nakapinsala ang pagsabog.
- Latest