Capiz blast: 2 patay, 15 sugatan

MANILA, Philippines – Patay ang pinaghihinalaang bomber at isang 9-anyos na nene habang 15 naman ang nasugatan na karamihan ay mga estud­yante matapos na sumabog ang bomba na itinanim sa tabi ng elementary school sa bayan ng Pontevedra, Capiz noong Lunes ng tanghali.

Kinilala ang batang babae na si Trina Rose Demayo, grade school pupil habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng sinasabing nagtanim ng bomba.

Nagkalasug-lasog ang katawan ng nasabing bomber nang sumabog ng wala sa oras ang dala nitong bomba na nakalagay sa backpack.

Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatan na karamihan ay elementary pupil sa Lantangan Elementary School.

Sa phone interview, sinabi ni P/Senior Supt. Ulysses Caton, director ng Capiz PNP, naganap ang pagsabog sa labas ng nasabing eskuwelahan malapit sa barangay hall sa kahabaan ng highway sa Brgy. Lantangan.

Nabatid na breaktime sa nasabing eskuwelahan ng mangyari ang pagsabog habang manananghalian ang mga guro at estudyante sa naturang eskuwelahan.

Show comments