Misis nabuntis ng iba, dinedo ni mister

MANILA, Philippines – Dahil sa matinding pani­bugho matapos na matuklasang dalawang buwang buntis ang babaeng pinakasalan, binaril at napatay ng mister ang kaniyang 16-anyos na asawa sa liblib na bahagi ng Barangay Batian, bayan ng Maitum, Sarangani, ayon sa ulat kahapon.

Sa phone interview, sinabi ni SPO2 Rommel Subaldo, desk officer ng Sarangani PNP, kinilala ang biktima na si Fulsol Noraida Sugod habang pinghahanap naman ang suspek na si Tonio Gambi, 42, kapwa nakatira nabanggit na barangay.

Base sa imbestigasyon, naganap ang krimen sa malayong bulubunduking barangay ng Sitio Angco, bandang alas-4 ng mada­ling araw habang  natutulog ang biktima sa kanilang kubo.

Nabatid na ang mag-asawa ay mula sa Tribong Tiboli ay ipinagkasundo lamang ipakasal ng kanilang mga magulang.

“Sabi ‘nung ina ng bik­tima na nagalit ‘yung kaniyang manugang dahil natuklasang 2-buwang buntis na ‘yung babae, hindi naipagtapat bago sila ikinasal, eto ‘yung tinitingnang angle ng ating mga investigators,” pahayag ni SPO2 Subaldo.

Si Sugod ay nagtamo ng isang tama ng bala ng shotgun sa kaliwang bahagi ng kaniyang noo.

Naglunsad na ng manhunt operations ang mga operatiba ng pulisya laban sa suspek upang bigyang hustisya ang sinapit ng dalagitang misis.

Show comments