Cavite, Philippines — Dalawang pinaghihinalaang notoryus na holdaper ng mga pampasaherong sasakyan ang napaslang matapos na kumasa sa mga operatiba ng pulisya sa naganap na shootout sa kahabaan ng Emilio Aguinaldo highway, Brgy. Lalaan 1, Silang, Cavite kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PO3 Robert Dimailig, imbestigador sa kaso, kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan sa mga suspek matapos na walang makitang identification card sa bangkay ng mga ito.
Bandang alas-9:30 ng gabi habang sakay ang mga pasahero ng isang jeepney nang magdeklara ng holdap ang mga suspek.
Isa-isang kinulimbat ng mga suspek ang pera, alahas, cell phone at iba pang gamit ng mga pasaherong sina Rosalie Ambat, 49; Anvrian Po-an, 20, Decelyn Cabrera, 39, Bibiano Ambat, 50, driver ng jeepney at iba pa.
Isa naman sa mga pasahero na nagawang maitago ang cell phone ang palihim na nag-text at humingi ng tulong bunsod upang maglatag ng checkpopint ang Silang Police na sinundan ang jeepney pero mabilis na bumaba ang mga suspek at tumakbo na hinabol naman ng mga awtoridad.
Nang malapit ng masukol ang mga suspek ay agad ang mga itong nagpaputok ng baril na nauwi sa shootout na ikinasawi ng mga ito.
Narekober mula sa bangkay ng mga suspek ang dalawang cal 38 revolver na kargado ng bala at ilang piraso ng ebidensya.