Eskandalosong senglot, itinumba

Nakataas pa ang mga paa nang abutan ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang bangkay ni Dante Madera matapos itong ratratin ng kanyang kapitbahay dahil sa pagiging maingay na senglot sa Northville 6, Barangay Santol, bayan ng Balagtas, Bulacan. (Kuha ni Boy Cruz)  

BULACAN, Philippines – Dahil sa pagiging maingay sa tuwing nalala­sing ay niratrat at napatay ang 41-anyos na mister ng kanyang kapitbahay sa Barangay Santol, bayan ng Balagtas, Bulacan kahapon ng madaling araw. Dalawang tama ng bala ng cal. 45 pistol sa pisngi at leeg ang tumapos sa buhay ni Dante Madera ng Northville 6, Brgy. Santol sa nabanggit na bayan. Tinutugis na ng pulisya ang suspek na si Joseph Biag, kapitbahay ng biktima sa nabanggit na barangay. Ayon kay PO2 Roman Katipunan, bago maganap ang krimen, nagpasama sa ilang opisyal ng barangay ang suspek para komprontahin ang biktima dahil sa pagiging maingay nito tuwing malalasing. Nagkaayos naman ang dalawa subalit nanatiling maingay ang biktima na tuwing lango sa alak kaya muling bumalik ang suspek saka isinagawa ang pamamaslang.

Show comments