2 akyat-bahay bulagta sa shootout

Sinusuri ng mga tauhan ng Scene of Crime Operatives (SOCO) ang dalawang miyembro ng Akyat-Bahay Gang na napatay matapos na makipagbarilan sa mga tauhan ni P/Supt. Marcos Rivero sa Barangay Patubig, bayan ng Marilao, Bulacan kahapon ng madaling araw. Kuha ni Boy Cruz

BULACAN, Philippines - Bulagta ang dalawa sa tatlong miyembro ng notoryus na Akyat-Bahay Gang matapos na makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Barangay Patubig, bayan ng Marilao, Bulacan kahapon ng madaling araw.

Kasalukuyan pang ina­alam ang pagkakakilanlan ng dalawa na inilarawan lamang na nakasuot ng fatigue t-shirt, pocket short pants, 5’3” ang taas habang ang ikalawa naman ay naka-light blue t-shirt, maong short pants, 5’3’ ang taas, at may tattoo sa kanang braso habang tinutugis pa ang ikatlong suspek.

Kinilala naman ang mag-asawang inakyat-bahay ng dalawa na sina Lorena Dela Cruz, 52; at Mario Dela Cruz, 52, kapwa negosyante at mga nakatira sa Barangay Sta.Rosa II sa nabanggit na bayan.

Base sa police report na isinumite kay P/Supt. Marcos Rivero, bandang alas-3:30 ng madaling araw nang nagising ang misis dahil sa tawag ng kalikasan kung saan kinapa nito ang bag na nasa kanyang ulunan subalit nawawala.

Gayon pa man, namataan ng misis ang tatlong kalalakihan na tumatakbo papalabas na kanilang bahay kaya kaagad na humingi ng tulong sa pulisya ang mag-asawa.

Habang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga ope­ratiba ng pulisya ay namataan ang dalawang lalaki na naglalakad sa madilim na bahagi ng nasabing lugar kaya tinangkang sitahin ng mga awtoridad.

Dito na sumiklab ang putukan mula sa panig ng da­lawa hanggang sa makipagbarilan ang mga pulis kung saan napatay ang dalawa.

Narekober sa dalawa ang cal.38 revolver, isang sumpak na baril, kutsilyo, ice pick at bag na naglalaman ng mga damit, bonnet at bull cap habang bitbit naman ng nakatakas na kasabwat nila ang bag ng misis na naglalaman ng P30,000, mga alahas at iba pang gamit.

 

Show comments