BULACAN, Philippines – Kalaboso ang limang kawani ng pawnshop matapos arestuhin ng pulisya kaugnay sa nawawalang P5.6 milyong halaga ng alahas at cash sa Barangay Poblacion, Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng hapon. Pormal na sinampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na sina Lanie Dullesco, 40; Lerma Dullesco, 38, mga nakatira sa Brgy. Libtong; Christoper Derutas, 33; Derson Derutas, 28, kapwa nakatira sa Meyland Subd, Brgy. Lawa; at si Jesus Digdigan, 36, ng Brgy. Poblacion. Sa ulat na nakarating kay P/Supt. David Poklay, inireklamo ng mag-amang may-ari ng Yason-De Vega Pawnshop na sina Ma. Christina Pineda at Lucilo De Vega ang mga suspek kaugnay sa nawawalang mga alahas at cash na nagkakahalaga ng P5.6 milyon mula sa dalawang sangay ng nasabing bahay-sanglaan. Nadiskubre ang pagkawala ng mga alahas at cash matapos na sorpresang mag-imbentaryo ang tiyahin ni Ma. Christina sa dalawang bahay-sanglaan.